TWIST PLAYBACK: When I Met You - Apo Hiking Society


— Sophia Marie Malasan


“You gave me a reason for my being

And I love what I'm feelin'

You gave me a meaning to my life

Yes, I've gone beyond existing

And it all began when I met you” 


Isa ka rin ba sa mga napaibig ng awiting When I Met You ng Apo Hiking Society? 


Laganap sa social media ang paggawa ng song covers ng mga klasikong OPM (Original Pilipino Music) dahilan upang ito ay manatiling sikat at magkaroon ng pagkakataong mapakinggan ng kasalukuyang  henerasyon. 

 

Isa sa mga kinagigiliwang kanta ngayon ay ang "When I Met You" na unang pinasikat ng Apo Hiking Society noong 1983 na muling umusbong nitong 2020 nang gawan ito ng cover ni Justin Vasquez, isang vlogger at musikero. Umabot sa mahigit 11 milyong beses na pinatugtog sa YouTube ang cover na ito dahilan upang magkaroon ang nasabing kanta ng iba't ibang rendisyon.  Ang taglay na nakagiginhawang himig at lirikong nakaaantig ay tumatalakay sa kahulugan ng buhay ng taong umiibig at ang mga kantang ito ay siyang humaplos sa mga puso ng kabataan ngayon. 

 

Ang awiting iyan ay isa lamang sa mga sikat na musika ng Apo Hiking Society o sa mas madaling katawagan ay APO na nangangahulugang "grandchildren" sa Tagalog at hango rin  pangalan ng isa sa mga intelektwal na bayani ng Pilipinas na si Apolinario Mabini.

 

Nabuo ang 15 miyembro ng APO noong 1969 sa Ateneo de Manila High School subalit tatlo na lamang sa kanila ang nanatili pagtungtong nila sa kolehiyo sa kadahilanang mas pinili ng iba na tuparin ang kani-kanilang pansariling pangarap sa buhay. Gayunpaman, nagtagumpay ang tatlong miyembro ng APO Hiking Society na sina Jim Paredes, Boboy Garovillo, at Danny Javier na iparinig sa buong Pilipinas ang kanilang musika. Umani sila ng iba't ibang pagkilala tulad ng Myx Magna Award, PMPC Star Awards for Music noong 2009 na isang panghabang buhay na parangal, at marami pang iba.

 

Bukod sa kantang “When I Met You”, ang APO rin ang nagpasikat sa mga kantang “Bawat Bata, 1978”, “Panalangin, 1980”“Awit ng Barkada, 1988”, at maraming marami pang iba hanggang sa mapagdesisyunan nila na magretiro sa industriya noong 2009. Mapapansin na tungkol sa buhay at pag-ibig ang iniwan nilang tatak sa musika nila na hanggang sa kasalukuyang panahon ay nararanasan ng kahit na sino. Hindi maipagkakailang walang oras at henerasyong pinipili ang musika ng Apo Hiking Society. 

Comments

Popular posts from this blog

Mendira releases jingle ’Kaya Mo ‘Yan’

Joan Velasquez releases new single ‘Sirang Kaluluwa’

2Pro’s First Webinar on Digital Marketing